MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang "Kariton Klasrum" ni Efren Peñaflorida ngayong Huwebes upang bigyan ng libreng edukasyon ang mga batang nasa kalye.
Ginamit ng DepEd at DSWD ang konsepto ng ‘Kariton classroom’ ni Peñaflorida, isang paraan ng pagbibigay ng edukasyon sa mga bata sa lansangan.
Sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa Dynamic Teen Company ni Peñaflorida ay pormal na inilunsad ang programa sa main office ng DepEd sa lungsod ng Pasig City.
Aabot sa 200 bata ang sumaksi sa lagdaan ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng DepEd at DSWD at ng grupo ni Peñaflorida.
Layunin ng programa na maabot ang mga pamilyang nakatira sa kalsada upang bigyan ng alternatibong edukasyon lalo na ang mga kabataang out-of-school o hindi pumapasok sa eskwelahan.
Naging matunog ang pangalan ni Peñaflorida sa buong mundo nang kilalanin siya bilang CNN Hero of the Year 2009 para sa kanyang dedikasyon na magbigay ng edukasyon sa mga batang nasa lansangan sa pamamagitan ng "Kariton Klasrum".