MANILA, Philippines - Iba't ibang environmental groups ang naghayin ng writ of kalikasan petition ngayong Miyerkules sa Korte Suprema kaugnay ng pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17.
Sinabi ng isa sa mga magpepetisyon na si Bayan secretary-general Renato Reyes Jr. na kabilang sa kanilang inireklamo ang mga opisyal ng gobyerno at ng US Navy.
Natanggal na nitong Marso 30 ang barko at higit sa 2,000 square meter ng bahura ang nasira ng US minesweeper.
Ito ang unang beses na makakabilang ang isang dayuhang tropa sa mga irereklamo sa Writ of Kalikasan.
Sa kanilang 90-pahinang petisyon, hinihiling ng grupo na maglabas ng Temporary Environmental Protection Order ang mataas na hukuman para sa Tubbataha reef, malaman ang multa na dapat bayaran ng US Navy at prosekyusyon sa mga opisyal ng USS Guardian.
Tinutukoy ng petisyon ang paglabag sa 'right to a balanced and healthful ecology, and in particular, of the Tubbataha Reefs Natural Park Act of 2009,' o ang Republic Act No. 10067.
Bukod kay Reyes, kabilang din sa magpepetisyon sina Bishop Pedro Arigo ng Puerto Princesa,Palawan, Bishop Deogracias Iniguez Jr., Bishop-Emeritus ng Caloocan, Frances Quimpo, Clemente Bautista Jr. ng Kalikasan-Pne, Maria Carolina Araullo, Rep. Neri Javier Colmenares ng Bayan Muna partylist, Roland Simbulan, Junk Vfa Movement, , Teresita Perez, Rep. Raymond Palatino, Kabataan partylist, Peter Gonzales ng Pamalakaya, Giovanni Tapang, Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno, Joan May Salvador ng Gabriela at public interest lawyer Edsel Tupaz.
Kasama naman bilang respondents sina Scott Swift sa kanyang kakayanan bilang Commander ng U.S. 7th Fleet, Mark Rice, Commanding Officer ng USS Guardian, President Benigno Aquino III, Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario,Executice Secretary Paquito Ochoa Jr., Defense Secretary Voltaire Gazmin, Environment Secretary Ramon Jesus Paje, Vice Admiral Jose Luis Alano, Philippine Navy Flag Officer In Command, Armed Forces Of The Philippines, Admiral Rodolfo Isorena, Commandant of the Philippine Coast Guard, Commodore Enrico Efren Evangelista, Philippine Coast Guard Palawan, Major Gen. Virgilio Domingo, Commandant Of Armed Forces Of The Philippines Command, Lt. Gen. Terry Robling, Us Marine Corps Forces, Pacific, And Balikatan 2013 Exercise Co-Director.
Nais ng mga magpepetisyon na patawan ng multa ang US Navy na 12 beses na mas malaki sa tantiya ng gobyerno at makasuhan ito sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Naniniwala sila na hindi maaaring igiit ng US Navy ang kanilang immunity sa ilalim ng Visitin Forces Agreement.
“It is our hope that the Supreme Court will act favorably on this petition and prevent further damage to our environment caused by the permanent and continuing presence of US troops," sabi ng mga grupo.