MANILA, Philippines - Limang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tutungo sa Japan ngayong Miyerkules upang lumahok sa ikalawang yugto ng imbestigasyon sa pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17.
Pupunta ang five-man Coast Guard Marine Casualty team ng PCG sa United States' naval base sa Sasebo, Japan upang makipagpulong sa iba pang opisyal.
Pangungunahan nina Coast Guard deputy commandant and marine casualty team chairman Rear Admiral Luis Tuason Jr. at Palawan commander at team vice chairman Commodore Enrico Evangelista ang delegasyon ng PCG.
Sinabi ni PCG commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena na makikipagpalitan ng impormasyon ang five-member team sa US Navy at maaaring bumalik sila sa bansa sa Biyernes.
Dagdag niyo na may 10 araw ang grupo upang makapaghanda at makapagpasa ng ulat sa Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya bago idiretso kay President Benigno Aquino III.
Lumabas sa imbestigasyon na 2,345.67 square meters na bahura ang nasira ng USS Guardian.
Noong Marso 30 lamang natanggal ng salvage team ang barko sa UNESCO World Heritage site.
Ilang araw lamang matapos matanggal ang USA Guardian ay isa namang Chinese fishing vessel na may 12 tripulante ang sumadsad sa mga bahura noong Abril 8.
Nakasuhan na ang mga Intsik ng poaching at bribery.