Nakasadsad na Chinese ship sa Tubbataha tatanggalin sa Sabado

MANILA, Philippines - Umaasa ang Philippine Coast Guard (PCG) na matatanggal na sa Sabado ang Chinese fishing vessel na sumadsad noong Lunes ng gabi sa Tubbataha Reef.

Sinabi ni Commodore Enrico Efren Evangelista, PCG Palawan district head, na maaaring agad na matanggal ang barko mula sa bahura dahil gumagana pa at walang sira ang ang makina, propellers at katawan nito.

"The ship's hull is intact. It's not like the case of the USS Guardian, which was badly holed upon her grounding last January 17," banggit ni Evangelista.

Dagdag ni Evangelista na hindi nasira ang makina, propellers at katawan ng barko dahil gawa ito sa bakal.

Kumpiyansa si Evangelista na matatanggal na ang barko pagkatapos tanggalan ito ng langis at kapag dumating na ang BRP Corregidor bukas ng umaga sa Tubbataha.

Aniya tutulungan ang PCG Vessel ng BRP Romblon sa pagtatanggal ng 8,000 litro ng langis at mga kargamento nito.

 
"Once this is done, we will try to tow her (Chinese ship) during the high tide," sabi ni Evangelista.

Sumadsad sa Tubbataha ang barko na may 12 tripulante nitong Lunes ng gabi sa 1.1 nautical miles sa silangan ng Tubbataha Ranger Station

Nahaharap sa kasong poaching at bribery ang 12 Intsik na nasa Palawan provincial jail ngayon.

Show comments