MANILA, Philippines - Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga undocumented overseas Filipino workers (OFW) na magtitipon sa labas ng tanggapan ng Philippine Consulate General sa Saudi Arabia upang hilingin na mapauwi sa bansa, ayon sa migrant workers' rights group ngayong Biyernes.
Sinabi ni Migrante Middle East regional coordinator John Monterona na nasa 7,000 OFW na ang pumirma sa repatriation program ng gobyerno mula pa noong 2012.
"There were 7,000 stranded OFWs listed up at the Philippine Consulate as they seek to avail the repatriation program, but only to be told that it was temporarily stopped," pahayag ni Monterona.
Aniya, base sa kanilang pakikipag-usap sa mga opisyal ng konsulado umakyat na sa 12,000 ang bilang ng mga nais umuwi ng bansa.
"So, we are projecting that more and more stranded OFWs will join the camp-out near the Philippine Consulate building in Jeddah. It may reach 800 to 1,200 or could be even more," sabi ni Monterona.
Nagtipon ang mga stranded na OFW sa labas ng opisina ng konsulado ilang araw matapos pansamantalang itigil ng gobyerno ng Saudi na tugisin ang mga ilegal na dayuhan.
Samanatala, muling nanawagan ang Migrante kay Pangulong Benigno Aquino III na buhayin ang repatriation program ng gobyerno upang mapauwi na ang mga OFW sa bansa.