MANILA, Philippines – Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang limang sako ng mga pinatuyong tangkay ng marijuana sa isang abandonadong taniman ng sayote sa Benguet.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na may bigat na 30 kilo ang mga nakuhang marijuana na nagkakahalagang P3.75 milyon.
Nasamsam ng pinagsamang puwersa ng PDEA at pulisya ang mga pinatuyong tangkay ng marijuana nitong Lunes sa Sitio Pagal, Shilan, La Trinidad, Benguet.
Isang residente ang nag-ulat sa ahensya tungkol sa limang kahina-hinalang sako na iniwan ng mga hindi pa nakikilalang tao sa lugar kaya naman pinuntahan ito ng mga awtoridad.
"We are not discounting the possibilities that the sacks were intentionally left behind for fear of detection by authorities or abandoned to be picked-up by someone. It was a good thing a concerned citizen reported it to us first before the intended receiver got hold of the illegal drugs," pahayag ni Cacdac.