MANILA, Philippines – Bawal pa rin ang mga diver na makalapit sa nasirang bahagi ng Tubbataha Reefs kung saan sumadsad ang USS Guardian noong Enero, ayon sa hepe ng Tubbataha Management Office (TMO).
Sinabi ni Angelique Songco, hepe ng TMO, na hindi pa rin maaaring lumapit ang mga divers sa dalawa sa 15 diving sites sa Tubbataha dahil sinasaid pa ng salvage crews ang mga debris ng USS Guardian.
Ayon kay Songco, lilinisin grounding site ng USS Guardian upang masimulan kaagad ang inspeksyon ng mga taga University of the Philippines-Marine Science Institute upang malaman kung gaano kalawak ang nasirang bahura dahil sa pagsadsad ng barko.
Aniya, may mga karagdagang siyentipiko ang darating sa Abril 8 upang magsagawa ng hiwalay na "assessment" na pagbabasehan naman ng gagawing monitoring protocol at restoration plan para sa bahura.
Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard Palawan District head Commodore Enrico Evangelista na baka makipagpulong sila sa mga Philippine scientists at US Navy marine biologists para sa rehabilitasyon ng mga bahura.
Nauna nang sinabi ng TMO na may 4,000 metro kuwadrado ng bahura ang nasira dahil sa pagsadsad ng USS Guardian noong Enero 17.
Sa ilalim ng Republic Act 10067 o ang Tubbataha Reefs Natural Park Act of 2009, may multang $300 o P12,000 per square meter, at may karagdagang $300 per square meter para sa rehabilitasyon.