MANILA, Philippines – Minaliit ng isang Katolikong Obispo ngayong Martes ang resulta ng pinakabagong Social Weather Stations survey na nagpapakitang karamihan sa mahihirap ay “satisfied†sa kanilang pamumuhay.
Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz na wala pa siyang nakakausap na mahirap na kuntento sa kung anuman ang mayroon siya.
"Kapag 'yan ay talagang pinaniwalaan mo, langit na ang Pilipinas, pero sorry hanggang ngayon ay hindi pa langit, malayong malayo pa," pahayag ng pari sa Church-run Radyo Veritas.
Aniya, naka depende ang resulta ng survey sa bansa sa kung sino ang namumuhanan dito.
Dagdag pa ng Obispo na nawawala na ang kredebilidad ng mga poll firms sa bansa dahil sa mga taliwas na resulta sa tunay na nangyayari.
"Yung mga survey na 'yan, depende ang resulta n'yan kung sino ang nagpagawa, sino ang nagbayad at ano ang gustong palabasin, habang tumatagal nawawalan ng mabuting pangalan ang mga survey agencies, pagkat' yung mga kanilang conclusion, karaniwan hindi tugma sa realities, hindi tugma sa mga katotohanan," sabi ng Obispo.
Sa bagong labas na survey ng SWS, apat sa limang Pilipino sa class D at E o 81 porsyento ay kuntento sa kanilang pamumuhay.