MANILA, Philippines – Anim na katao ang dinakip, kabilang ang isang stepson ng bise-alkalde, ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Tawi-Tawi, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency ngayong Biyernes.
Kinilala ng PDEA ang mga nabingwit na suspek sa hinihinalang drug den sina Abelardo Burahim, 33; Khaizar Jumandil, 22, anak ng kasalukuyang konsehal at stepson ng bise-alkalde ng Bongao, Abdulnaser Ipla, 48; Al-Jami Abduriji Dorie, 23; Benjamin Paradji, 31; at Henry Abdurahman Bariwa, 20.
Pero nagawa namang makatakas ng may-ari ng drug den na si Mansul.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA nitong Lunes bandang 3:30 ng hapon sa Salamat Street, Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi kung saan nadakip ang mga suspek sa loob ng bahay ni Mansul na ginawang drug den.
Nasamsam sa drug den ang pitong pakete na may hinihanalang lamang shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nakatakas si Mansul dala ang tatlong P100 na ginamit bilang marked money.
Ang mga nasabat na ebidensya ay dinala sa Tawi-Tawi Provincial Crime Laboratory upang suriin.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Bongao police station at nahaharap sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga, habang pinaghahahanap pa rin si Mansul na kakasuhan dahil sa ilegal na droga at pagkakaroon ng drug den.