MANILA, Philippines - Nasakote ang hinihinalang mag-asawang tulak ng droga sa Maguindanao, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Biyernes.
Sinabi ni PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. nakorner ng pinagsamang puwersa ng PDEA, Philippine National Police, Philippine Army ang mag-asawang sina Musarip at Muslima Dalgan sa buy-bust operation.
Binentahan ng mag-asawa ng shabu ang awtoridad na nagpanggap na buyer noong Marso 26 bandang 8 ng umaga sa Brgy. Panadtaban, Rajah Buayan, Maguindanao, ayon sa ulat.
Nasabat mula sa mga suspek ang tatlong pakete ng shabu na may timbang na 5.8 gramo.
Nakuhaan din ng mga awtoridad ang mag-asawa ng pitong M16A1 rifles at homemade rifles, two M79 grenade launchers, magazine ng M16A1 rifles, granada, pistol at shotgun.
Pero bigong madakip ng mga awtoridad ang isa pang suspek na si Muher Dalgan na nakatakas.
"Rajah Buayan is known to be the haven of lawless elements and private armed groups in the autonomous region. The collaboration of forces in the operation is necessary in the face of any form of hostilities," sabi ni Cacdac.
Nakakulong ngayon ang mag-asawa sa PDEA ARMM jail facility at nahaharap sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga at illegal possesion of firearms.