MANILA, Philippines - Hinuli ang 30-anyos na tulak ng droga matapos makuhanan ng 50 gramo ng shabu ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Quezon.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na dinakip ng mga taga PDEA Regional Office-National Capital Region si Michael Mohammad Sera ng Maguindanao Street, Culiat, Quezon City.
Inaresto si Sera matapos bentahan ng dalawang pakete ng shabu ang isang PDEA agent na nagpanggap na buyer sa loob ng isang kilalang fast-food restaurant sa panulukan ng Mindanao Avenue at Congressional Avenue sa lungsod ng Quezon.
Nabawi sa suspek ang isang cellphone, Honda na motorsiklo at P1,000 na marked money na ginamit sa buy-bust operation.