MANILA, Philippines – Ibinasura ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Linggo ang panukalang aniya's layunin lamang magtayo ng isang "Kingdom of Baguio."
"Na-obliga po akong i-veto ito. Wala naman pong problema, dagdagan ng dagdagan ang poder ng isang lungsod lalo na kung maayos ang palakad ng lungsod na ito," pahayag ni Aquino sa mga lokal na opisyal sa isinagawang pagpupulong sa Burnham Park.
Tinutukoy ni Aquino ang panukalang baguhin ang Baguio City Charter.
Ayon kay Aquino, duda siya sa isang probisyon ng panukalang batas na nagbibigay sa City Mayor ng kapangyarihan na ipatawag ang Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya ng Pilipinas sakaling mabigo ang lokal na mga awtoridad na kontrolin ang kaguluhan sa siyudad.
"Kapag binasa po natin ang Saligang Batas, only the President and the Commander-in-Chief can call out the Armed Forces and the police to quell any disturbances," sabi ni Aquino.
Binanggit din ng Pangulo ang isa pang dahilan kaya hindi lumusot sa kanya ang panukala at ito ang pagbibigay ng kapangyarihan sa lokal na pamahalaan na magdesisyon kung dapat magtayo ng opisina sa mga lupang pag-aari ng gobyerno.
"Sabi ko sandali, parang gumagawa na yata ng 'Kingdom of Baguio'. Ngayon iyong Kingdom of Baguio kung tutukoy naman sa kapakanan talaga ng sambayanan, wala po tayong problema doon," ani Aquino.
"Hindi po tayo magdadalawang-isip na tumaya sa mga repormang tiyak na magpapalago sa inyong lungsod, subalit magagawa lamang ito kung may mga kasangga tayo sa lokal na antas na hahawak ng manibela tungo sa tuwid na landas," dagdag ng Pangulo.
Tumungo ng lungsod ng Baguio si Aquino kasama ang mga senatorial ticket ng Team PNoy.
Ang kasalukuyang alkalde ng siyudad na si Mauricio Domogan ay tumatakbo sa kaparehong puwesto sa ilalim ng United Nationalist Alliance, ang matinding kalaban ng Team PNoy sa eleksyon ngayong Mayo.
Anim na kandidato ang naghahangad na makuha ang pagka-alkalde sa lungsod kabilang sina Jose Molintas ng National People's Coalition at independent candidates na sina Guillermo Hernandez, Ramon Labao, Junior Mina at Game-Changer Puzon.