MANILA, Philippines – Lagda na lamang ni Pangulong Benigno Aquino III ang hinihintay upang mailunsad ang opisyal na oras na gagamitin sa buong bansa.
Layunin ng House Bill 164 na magkaroon ng Philippine Standard Time (PST) at ideklara ang unang pitong araw ng taon bilang national time consciousness week.
Hangad din ng panukala na makalikom ng pondo sa pagbubuo, operasyon at pagpapanatili ng synchronized time devices o magkakasabay na galaw ng orasan na ilalagay sa mga pampublikong lugar.
Sa ilalim ng HB 164, kailangang gamitin ang PST sa mga tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.
Inaatasan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Time Service Unit, sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), na manmanan, panatilihin, at ipakalat ang PST sa buong bansa.
Kailangan ding pasunurin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga istasyon ng telebisyon at radyo sa PST upang maabot ang mga liblib na lugar sa bansa.
Multang P30,000 hanggang P50,000 ang ipapataw sa mga may-ari ng istasyon ng telebisyon at radyo kung hindi sila susunod sa batas sa unang pagkakataon at kanselasyon naman ng kanilang prangkisa ang maaaring ipataw sa kanila sa ikalawang pagkakataon.