MANILA, Philippines – Dahil sa sobrang kalungkutan, tinapos ng isang freshman student ng University of the Philippines ang kanyang buhay sa loob ng tinitirahan niyang apartment.
Sa ulat na inilabas ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng UP Diliman, sinabi ni UP Manila Professor Andrea Martinez na hindi na idineklarang patay sa Metropolitan Medical Center bandang 3:30 ng madaling araw ang estudyanteng nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner.
Sinabi pa ni Martinez na malungkot at napahiya ang estudyante bago ito mamatay at noong Pebrero pa hindi pumapasok ang biktima dahil hindi siya nakapag-enroll.
"After she filed for a leave of absence, we spoke to her and she said she was sad and the leave of absence had a big effect on her and her family," pahayag ni Martinez sa ulat.
Noong Nobyembre 12 ng nakaraang taon, inaprubahan ng administrasyon ng UP Manila ang patakaran na ipinagbabawal nang pumasok ang mga estudyanteng hindi nakapagbayad ng matrikula sa tamang oras, kaya naman marami ang naghayin ng leave of absence.
Ang biktima ay nakapaloob sa Bracket D ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program ng administrasyon ng UP at kailangan niyang magbayad ng P300 kada yunit.
Noong 2006 ay binago ng UP ang patakaran nito sa pagbabayad ng matrikula, kung saan iginrupo sa bawat bracket ang mga estudyante depende sa kanilang estado ng pamumuhay.
Ang estudyanteng nasa Bracket A ay kailangang magbayag ng P1,500 kada yunit. Ang nasa Bracket B naman ay sinisingil ng P1,000 kada yunit; Bracket C (P135,001 - P500,000) P600; Bracket D (P80,001 - P135,000) P300; habang libre naman ang pag-aaral ng mga nasa pinakamababa na Bracket E (hindi hihigit sa P80,001).
Sinubukan pang kumuha ng student loan ng biktima ngunit hindi ito naaprubahan ng loan board ng unibersidad. Hiniling din ng estudyante na ma-reassess ang kanyang bracket ngunit sa susunod na pasukan pa ito maaprubahan kung sakaling matuloy ito.
“This is a sad and outrageous moment for us iskolars ng bayan. In behalf of the UP students, I express sympathy to the family and friends of [the deceased]. [She] will always be remembered in our continuous fight to realize the youth’s right to education,†pahayag ni UP Student Regent Cleve Arguelles sa ulat.