Kapitan ng barangay sa Zambo Norte patay sa pamamaril

MANILA, Philippines – Naging bangungot ang simpleng pamimitas ng mangga nang tambangan at mapatay ang isang kapitan ng barangay ng tatlong armadong lalaki sa Liloy, Zamboanga del Norte, ayon sa pulisya ngayong Huwebes.

Patay ang 51-anyos na si Felomino Antiquina, kapitan ng baranggay Tapalan sa bayan ng Salug. Sugatan naman ang kanyang kasamang si Reynaldo Gumera, 42.

Masuwerte namang hindi nasugatan sa pamamaril ang isa pa nilang kasama na si Wilmer Tacloban.

Sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, tagapagsalita ng Police Regional Office 9 (PRO), nagpapahinga ang mga biktima matapos mamitas ng mangga nang paputukan sila ng mga armadong lalaki bandang 8:35 ng umaga nitong Martes sa Barangay Candelaria sa bayan ng Liloy.

Kinuha pa ng mga suspek ang motorsiklo, wallet, pati ang ignition key ng multicab ng mga biktima bago tuluyang tumakas.

Ayon sa mga rumespondeng pulis, patay na si Antiquina nang dumating sila sa lugar.

Nakuha sa crime scene ang 22 basyo ng bala ng .45 pistola, mga basyo ng bala ng M16 rifle, at slugs ng .45 pistola.

Pinaniniwalaan ng mga pulis na pagnanakaw ang motibo sa krimen, ngunit hindi nila isinasantabi ang posibilidad na may kinalaman ito sa pulitika.

Show comments