35 tauhan ni Kiram nasabat sa karagatan ng Tawi-Tawi

MANILA, Philippines – Tatlumpu’t limang tagasuporta ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III ang naharang ng Philippine Navy sa karagatan ng probinsya ng Tawi-tawi ngayong Miyerkules ng umaga.

Sinabi ni Lt. Commander Gregory Fabic, tagapagsalita ng Navy, na lulan ng dalawang bangka ang 35 katao nang maharang sa karagatan ng Andoligan, Tawi-tawi bandang 6:30 ng umaga.

Iba't ibang klase ng armas at bala ang nakumpiska ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Navy mula sa dalawang bangka.

Aniya, isa sa mga naharang na tagasuporta ng sultanato ay babae.

Hindi pa masiguro ni Fabic kung patungong Sabah ang mga nahuli, kung saan andoon ang royal army ng Sultan.

Dumating sa Lahad Datu, Sabah ang higit sa 200 tauhan ng sultan sa pangunguna ng kapatid nitong si Raja Muda Agbimuddin Kiram noong Pebrero 11 upang angkinin ang isla.

Naghiwa-hiwalay ang royal army upang maiwasang mahuli ng mga tumutugis na puwersa ng Malaysia.

Sinabi ng gobyerno ng Malaysia na higit na sa 60 miyembro ng royal army ang kanilang napatay sa mga operasyon.

Show comments