MANILA, Philippines – Imumungkahi ng isang mambabatas sa susunod na sesyon ng Kongreso na bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga nagtatrabahong buntis.
Sinabi ni ALE party-list representative Catalina Bagasina, ang mga empleyadong buntis na miyembro ng Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS) ay kailangan makatanggap ng maternity benefit na aabot sa 150 porsyento ng kanilang basic salary, allowance at iba pang benepisyo sa loob ng 84 calendar days.
Sa ilalim ng panukala, ang buntis na sasailalim sa caesarian operation ay magkakaroon ng 100 araw na maternity leave imbes na 60 araw na nakasaad sa kasalukuyang batas.
Sinabi ni Bagasina na dapat ay ma-reimburse o maibalik kaagad ng SSS at GSIS ang 100 porsyentong maternity benefits na in-advance ng employer para sa kanilang mga buntis na empleyado.
Hinimok naman ng International Labor Organization’s Convention ang mga bansang kasapi nito na sundin ang maternity benefits para sa kapakanan ng buntis at ng batang nasa sinapupunan nito, dagdag ni Bagasina.