MANILA, Philippines – Arestado na ang isang malapit na kamag-anak ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III sa Malaysia, ayon sa isang Malaysian news website ngayong Martes.
Ayon sa ulat ng The Star Online, hindi pa pinapangalanan ng Malaysian police ang pagkakakilanlan ng nadakip na kamag-anak ni Kiram.
Patuloy ang pagtugis ng awtoridad ng Malaysia sa mga miyembro ng angkan ng Kiram, partikular kay Raja Muda Agbimuddin Kiram na siyang namuno sa mahigit 200 miyembro ng royal army na tumungo sa Lahad Datu, Sabah noong Pebrero 11 upang angkinin ang isla.
Si Agbimuddin ang nakababatang kapatid ng sultan na namamalagi sa Maharlika Villagae sa lungsod ng Taguig.
Nakasaad sa ulat ng The Star Online na bukod kay Agbimuddin, may isa pang kapatid si Jamalul na nakatira sa Lahad Datu at kamakailan lamang ay lumipat sa Semporna.
Tumulong umano ang kapatid pa ni Jamalul sa negosasyon sa pagitan ng kanilang angkan at sa gobyerno ng Malaysia na naganap bago pa ang mga engkuwentro sa pagitan ng dalawang panig.
Matapos ang negosasyon ay bigla na lamang umanong nawala ang naturang kapatid ng sultan.
"It is not known if he was the one detained as the Kiram family has many relatives living in various parts of Sabah," ayon sa ulat ng The Star Online kung saan sinabi pa nitong pinaghahahanap pa ng awtoridad ang pinsan ni Jamalul.
Aabot sa 20 personalidad na may koneksyon sa Sultanato ng Sulu ang tinutugis ng kapulisan ng Malaysia, sabi pa sa ulat.
Nauna nang iniulat na higit 30 tagasuporta ng sultanato ang inaresto sa patuloy na operasyon ng Malaysian police sa Sabah.
Sinabi ng mga awtoridad ng Malaysia na lagpas 60 miyembro na ng royal army ang napapaslang sa mga operasyon nila mula nang sumiklab ang kaguluhan dalawang linggo na ang nakakaraan.