MANILA, Philippines – May bagong testigong ihaharap ang mga abogado ng gobyerno laban kay retired general Jovito Palparan at iba pang mga sundalo’t opisyal kaugnay sa kaso ng pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines may pitong taon na ang nakalilipas.
Sinabi ng grupong Karapatan na uupo sa witness stand si Adoracion Paulino, biyenan ng isa sa mga biktimang si Sherlyn Cadapan, sa Malolos Regional Trial Court Branch 14 ngayong Lunes ng umaga.
Puwersahan umanong kinuha ng mga armadong kalalakihan sina Cadapan at at Karen Empeño at dinala sa kampo ng military sa Bulacan sa utos ni Palparan noong Pebrero 2006.
Ayon sa Karapatan, na tumutulong sa pamilya nina Cadapan at Empeño, si Paulino ang bumisita kay Cadapan sa kampo ng military ilang araw matapos dukutin ang dalawang estudyante.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang dalawang babaeng estudyante.
Nagtago naman si Palparan matapos maglabas ng arrest order sa kanya ang korte sa kasong kidnapping at serious illegal detention.