MANILA, Philippines – Tinanggihan ni dating Lanao del Sur congressman Macabangkit Lanto ang puwesto sa Commission on Elections (Comelec) na ibinigay sa kanya ni Pangulong Benigno Aquno III.
Hindi tinanggap ng dating kongresista ang pagtatalaga sa kanya ni Pangulong Benignog Aquino III bilang commissioner ng Comelec dahil sa “delicadeza.â€
Pinangalanan ni Aquino bilang bagong commissioner si Lanto kahit na may kaso ang dating kongresista sa Comelec kaugnay sa umano'y dayaan na naganap sa halalan sa Lanao del Sur noong taong 2007.
Si Lanto ay manok umano ni Sen. Franklin Drilon, campaign manager ng Liberal Party.
Nauna nang hinimok ng United Nationalists Alliance na imbestigahan ng Malakanyang ang ulat na may kasong kinakaharap si Lanto sa Comelec.
Nauna na ring tinanggihan ni election lawyer Bernadette Sardillo ang pagtatalaga sa kanya ni Pangulong Aquino bilang commissioner ng Comelec.
Nitong Marso 7 inihayag ni Aquino ang pagpili niya kay Lanto dahil sa umano'y pagkakaroon nito ng "independent mind." Anang Pangulong Aquino, nagustuhan naman niya ang ginawang pagtatanggol ni Sardillo sa karapatan ng mga botante noong nakaraang halalan.
Papalitan sana ng dalawa ang mga nagretirong sina dating Comelec Commissioner Rene Sarmiento at Armando Velasco.