MANILA, Philippines – Nais lamang sana ng kampo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na makipagpulong sa pamahalaan ng Malaysia upang pag-usapan ang mababang renta na binabayaran nito para sa Sabah, ayon kay ARMM Gov. Mujiv Hataman ngayong Biyernes.
Nang makausap ni Hataman ang anak ng sultanato na si Jacel Kiram, sinabi nito na wala naman silang planong angkinin ang Sabah at ang habol lamang nila ay ang pag-usapan ang renta kada taon ng Malaysia para sa Sabah na 5,300 ringgits na may katumbas na halagang P70,000.
"We met with sultan Jamalul Kiram, spokesman Abraham Idijarani and [Jamalul's daughter] Jacel Kiram. And when it was her time to speak, she said they have no plans of reclaiming Sabah. She said it would be better if the Malaysian government meets with them to discuss Sabah and propriety rights. She added that it is unacceptable that they are only being paid 5,300 (about P70,000) ringgits for Sabah, when that amount could not even rent an apartment," kuwento ni Hataman.
Naganap ang pagpupulong nina Hataman at ng mga Kiram noong Pebrero 18 sa lungsod ng Taguig.
Sinabi pa ni Hataman na nakausap niya sa Zamboanga nitong Huwebes si Ismail at sinabi nito na nag-iisip na ang nakababatang kapatid na si Agbimmudin Kiram ng paraan upang mapigilan ang patuloy na pagdanak ng dugo sa Sabah.
Nitong Huwebes din ay tinanggihan ng pamahalaan ng Malaysia ang alok na ceasefire ng pamilya Kiram.
Sa halip na maghinay-hinay sa mga operasyon, nakapatay ang puwersa ng Malaysia ng 31 miyembro ng royal army ng sultanato nito ring Huwebes.