MANILA, Philippines – Masuwerteng nakaligtas ang isang dating kapitan ng baranggay at kanyang anak matapos paulanan ng bala ang kanilang bahay sa lungsod ng Kidapawan noong Lunes.
Kaagad nakayuko at nakapagtago ang mag-amang Bai Inday Patadon, dating kapitan ng baranggay Patadon, at Jasmin nang ratratin ang kanilang bahay ng mga armadong lalaki gamit ang M14 at M16 assault rifles.
Gumapang palabas ng kanilang bahay ang mag-ama habang patuloy ang pagratrat ng mga armadong lalaki. Mabilis ding tumakas ang mga suspek matapos matunugan na may paparating nang mga awtoridad sa lugar.
Ayon kay Superintendent Joseph Semillano, hepe ng Kidapawan City police, inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo ng pag-atake.
Pero kumbinsido ang matandang Patadon na may kinalaman ang pag-atake sa pagkontra niya sa pagtira ng mga residente sa lupang pagmamay-ari ng gobyerno sa kanilang baranggay.
Sinabi ni Patadon sa mga imbestigador na kamakailan lamang ay isinumbong niya kay North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ang planong pagsakop ng ilang grupo ng mga tao sa mga lupain sa loob ng kanyang barangay na pag-aari ng gobyerno.