MANILA, Philippines – Tumindi pa ang tensyon sa Lahad Datu sa Sabah matapos bombahin ng mga puwersa ng Malaysia ang pinaghihinalaang pinagkukutaan ng royal army ng Sultanato ng Sulu ngayong Martes ng umaga.
Iniulat ng The Star online (http://thestar.com.my/) na patuloy gumagamit na ng mga fighter jets ang puwersa ng Malaysia sa panibagong pag-atake ng mga ito sa lugar na pinaghihinalaang ginagawang kuta ng grupo ni Raja Muda Agbimuddin Kiram.
"Continuous explosions are being heard as the [Malaysian] police and army move in against the gunmen who are reportedly firing back," ulat ng The Star.
Sinabi naman ni Ibrahim Idjirani, tagapagsalita ng sultanato, na tinawagan sila ni Agbimuddin bandang 7 umaga at iniulat ang matinding atake ng puwersa ng Malaysia.
Gayunman, sinabi ni Idjirani na maling lugar ang nabomba ng mga fighter jets ng Malaysia.
“According to Datu Raja Muda, the two bombs dropped by Malaysian air force plane hit their own ground troops as if they were fighting each other,†ani Idjirani.
Bukod sa mga dagdag na tangke, helicopter at fighter jets, may limang batalyon na tropa ang ipinadala ng Malaysia sa Lahad Datu upang puksain ang grupo ni Agbimuddin.
Mula nang sumiklab ang kaguluhan noong Biyernes ng umaga, patuloy ang paglapit ng puwersa ng Malaysia sa kuta ni Agbimuddin.
Bago ang mga pagsalakay ng Malaysia, binigyan ng kanilang gobyerno ang royal army ng hanggang Martes ng gabi noong nakaraang linggo upang lisanin ang Lahad Datu nang mapayapa na hindi sinunod ng grupo ni Agbimuddin.
Sinabi ni Idjirani na 12 miyembro ng royal army ang nasawi noong Biyernes habang isang sibilyan at dalawang pulis naman ang kinumpirma ng Malaysia.
Sinabi ng sultanato na noong Linggo ay pinaslang ng awtoridad ng Malaysia ang isang Imam at apat nitong anak na naging dahilan umano ng pag-atake ng mga residenteng Pinoy ng Lahad Datu na atakehin ang mga puwersa ng militar at pulis.
Nitong Lunes nagsimulang magpadala ng mas maraming puwersa ang Malaysia sa Lahad Datu.
Dumating noong Pebrero 11 ang royal army sa pamumuno ni Agbimuddin, kapatid ng Sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III, sa Sabah upang muling igiit ang kanilang pag-aari sa isla.
Sa isang panayam sa radyo, naglabas si Agbimuddin ng sama ng loob sa ginagawa umanong pagpanig ni Pangulong Benigno III sa pamahalaan ng Malaysia.
Aniya, hindi na sila pinakinggan ng gobyerno ng Malaysia at Pilipinas sa kanilang panawagan para sa isang mapayapang usapan.
"Hindi sila nakikinig... Pinahuhuli nila ang mga tauhan namin maski walang kasalanan," sabi ni Agbimuddin. "Parang hindi kami Filipino kay Aquino."