MANILA, Philippines – Magsasagawa ng "sovereignty and environmental" mission ang ilang grupo sa Palawan sa susunod na linggo upang marinig ang boses ng mga residente sa probinsya hinggil sa pagsadsad ng United States navy ship na USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17.
Inianunsyo ngayong Lunes ng grupo ng mga mangingisda na Pamalakaya, Anakpawis partylist at International Fisherfolk and FishWorkers Coalition na isasagawa ang misyon mula Marso 11 hanggang 14.
"We want to know the real score from the people's point of view. The mission will focus on the gathering of data and opinion of people affected by the destruction caused by US mine sweeper," sabi ni Pamalakaya chairperson Fernando Hicap.
Kukunsultahin ng grupo ang mga lokal na mangingisda, environmental groups at mga lokal na opisyal ng gobyerno tungkol sa omnibus demand na layong tugunan ang insidente sa 130,000-hektaryang bahura.
Kabilang sa plano, na ilalatag sa publiko sa Marso 12, ang agaran, epektibo at ligtas na pagtatanggal sa USS Guardian mula sa Tubbataha reef park, ang mungkahing pagsasampa ng kaso sa mga opisyal at 79 tauhan ng barko, pagsasaayos ng mga nasirang bahura at bayad sa mga naaapektuhang mangingisda dahil sa insidente.
Sinabi ng 7th fleet ng US Navy noong nakaraang linggo na maaaring abutin ng higit sa isang buwan ang pagtatanggal sa USS Guardian.