Grupo ni Kiram pinaputukan ng Malaysian forces
MANILA, Philippines – Inatake na ng mga pulis at sundalo ng Malaysia ang mahigit sa 200 tauhan ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III sa Lahad Datu, Sabah.
Ayon kay Abraham Idjirani, tagapagsalita ni Kiram, mga bandang 6 ng umaga nang paputukan ng mga awtoridad ng Malaysia ang kanilang mga tao na pinamumunuan ng kapatid ng sultan na si Raja Muda (Crown Prince) Agbimuddin Kiram.
Sinabi ni Idjirani na sandali lamang ang naganap na pagpapaputok na ginawa ng puwersa ng Malaysia.
Ayon sa mga ulat, tinangkang lumapit ng mga puwersa ng Malaysia sa pinagkukutaan ng grupo ni Agbimuddin nang maganap ang pagpapaputok.
Sa kabila nito, sinabi ni Idjirani na mananatili pa rin sa lugar ang grupo ni Agbimuddin.
Iginiit ni Idjirani na hindi magmumula ang kaguluhan sa panig ni Agbimuddin at ang naganap na pagpapaputok ay nanggaling sa puwersa ng Malaysia.
Umapela naman si Idjirani sa mga Pilipino na ipagdasal sila sa nangyayaring gulo sa Sabah, na inaangkin ng angkan ni Kiram.
- Latest
- Trending