MANILA, Philippines – Muling iginiit ng kapatid ng ng kapatid ni Sultan Jamalul Kiram III ngayong Huwebes na walang nilalabag na batas ang kanilang grupo dahil sa paggiit nila sa kanilang karapatan sa Sabah.
"We are not bad, we are good people. We are law abiding citizens," pahayag ni Raja Muda Agbimuddin Kiram sa isang panayam sa radyo.
Iginiit ni Kiram na nagpunta sila sa Lahad Datu sa Sabah, Malaysia upang iginiit ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lugar.
"We came here to live in our place. That's not a crime," dagdag ng nakababatang Kiram.
Ipinadala ng sultan si Raja Muda, kasama ang kanilang mga armadong tauhan, sa Lahad Datu noong Pebrero 12 upang muling igiit ang kanilang karapatan sa lugar.
Kaagad namang pinaligiran ng mga awtoridad sa Malaysia ang mga tauhan ni Raja Muda na umaabot sa halos 300 katao.
Naglabas na ng ultimatum ang pamahalaan ng Malaysia upang lisanin ng grupo ni Raja Muda ang lugar ngunit nananatiling matigas ang naturang grupo. Natapos palugit na ibinigay ng Malaysia kina Kiram nitong hatinggabi ng Martes.
Samantala, sinabi ni Raja Muda na hindi pa sila nilulusob ng puwersa ng Malaysia. Aniya, sakaling mangyari ito ay nakahanda silang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
"We did not come to make war, we just came to live in our own place. If the problem is we bring guns with us, these are for our protection," sabi ni Raja Muda.
Ayon sa mga ulat, pinag-aaralan na ng Department of Justice ang mga kasong posibleng isampa sa grupo ni Raja Muda at kay Kiram dahil sa pagpapadala ng mga armadong tauhan sa Sabah.
Naniniwala naman si Raja Muda na hindi maaapektuhan ng kanilang ipinaglalaban ang may 800,000 Pilipino na naninirahan na at nagtatrabaho sa Sabah.