MANILA, Philippines – Ayaw pakialaman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa desisyon ng ilang miyembro ng Hong Kong Accredited Recruiters of The Philippines (SHARP) na ipatigil ang pagpapadala ng mga Pilipinong household workers sa Hong Kong.
Ito ang inihayag ni DOLE Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz ngayong Huwebes, isang araw bago simulan ang moratorium ng SHARP.
Ang SHARP ay asosasyon ng mga ahensya sa bansa na nagpapadala ng mga household workers sa Hong Kong.
Naglabas ang grupo ng desisyon matapos ilatag ng kanilang pangulo na si Fred Palmiery sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board ang kanilang rason sa pagpapatigil ng deployment ng mga trabahador na Pinoy.
Ayon kay Palmiery, kinukolekta ng mga ahensya sa Hong Kong mula sa mga Filipino household workers ang service fees at ito’y paglabag sa POEA Rules and Regulations kung saan nanganganib ang interes at kapakanan ng mga trabahador ng Pinoy.
Iniutos ng POEA Governing Board na pag-aralan ang household workers market at ipasa ang kanilang natuklasan at rekomendasyon sa Board sa lalong madaling panahon.
Kabilang sa pag-aaral ang konsultasyon sa mga stakeholders tulad ng mga ahensya sa Pilipinas na nagpapadala ng mga trabahador sa Hong Kong, mga placement agencies sa Hong Kong, mga non-government organization at ang pamahalaan ng Hong Kong.
Samanatala, ipagpapatuloy ng POEA ang pagpapatupad ng Household Reform Package kabilang ang “no placement policy†sa lahat ng household service workers.