MANILA, Philippines - Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Martes na pinalawig na nito ang 60-kilometer per hour speed limit sa Commonwealth Avenue sa lungsod ng Quezon mula Philcoa hanggang Doña Carmen Avenue.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang pagpapalawig ng speed limit sa Commonwealth Avenue ay isa sa mga paraan ng ahensya upang maiwasan ang aksidente sa naturang kalsada.
“We have procured additional speed guns to aid our traffic constables in going after the speedsters," sabi ni Tolentino.
Balak din ng ahensya na maglagay pa ng mas maraming closed-circuit television cameras sa binansagang killer highway.
Unang sinaklawan ng speed limit ang Commonwealth Avenue hanggang sa Philcoa at Sandiganbayan/Batasan.
May 2.3 kilometro ang haba ng Batasan hanggang Doña Carmen Avenue.
Ayon kay Tolentino, nakakatanggap ng ulat ang ahensya na ginagamit pa rin ang kahabaan ng Commonwealth Avenue ng mga drag racers tuwing sasapit ang gabi.
"There are portions on Commonwealth Avenue that are 18 lanes wide so motorists tend to speed up," ani Tolentino.
Noong 2011 sinimulang ipatupad ng MMDA ang speed limit sa Commonwealth Avenue dahil sa sunud-sunod na madudugong aksidente sa naturang kalsada.
Dahil sa positibong resulta ng speed limit scheme, ipinatupad din ito ng MMDA sa Diosdado Macapagal Avenue sa lungsod ng Pasay.
Sa huling bilang mula noong Pebrero 21, umabot na sa 23,798 na mga lumabag sa speed limit ang nahuli ng MMDA.
Ang Commonwealth Avenue, na may anim hanggang 18 lanes sa parehong direksyon, ang pinakamalapad na kalsada sa bansa.