MANILA, Philippines – Tiklo ang isang tulak ng droga at hinihinalang nagpapatakbo ng gun-for-hire na operasayon, ayon sa Philippine drug Enforcement Agency - Region 1.
Huli sa akto ang 49-anyos na si Jose Amos Agdigos na nagbebenta ng pakete ng shabu sa tauhan ng narcotics sa barangay Bil-loca, Batac noong Sabado.
Nasabat pa mula sa suspek ang 22 pakete ng shabu at nakuha naman ang ilang armas at granada sa kanyang bahay sa barangay Rayuray, Ilocos Norte.
Nabawi din kay Agdigos ang P3,500 marked money na ginamit sa entrapment operation at pera na may halagang P68,400 at cellphone na sinasabing ginamit sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sinabi ng tagapagsalita ng PDEA-Region 1 na si Bismark Bengwayan na hindi lamang si Agdigos ang pinagkukunan ng shabu sa lungsod ng Batac ngunit siya rin ang nagpapatakbo ng gun-for-hire group.
Nahaharap ang suspek sa kasong pagbebenta at pagkakaroon ng ilegal na droga at ilegal na pagdadala ng armas.