MANILA, Philippines – Pormal nang sinampahan ng kasong kriminal ng opisina ng Provincial Prosecutor ng Cavite ang empleyado ng Office of the Ombudsman at kasama nito sa ginawang entrapment operation dahil sa paningikil ng pera mula sa tauhan ng Bureau of Internal Revenue.
Kinasuhan si Antonio Alibio sa Bacoor, Cavite Regional Trial Court ng kasong robbery o pagnanakaw at isa pa nitong kasamang hindi pa nakikilala.
Umabot sa P180,000 na piyansa ang inirekomenda sa pansamantalang paglaya ni Alibio.
Inaresto si Alibio at ang process server sa head office ng Ombudsman noong Enero 31 ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa loob ng Chic Boy Restaurant sa Bacoor, Cavite, matapos tanggapin ang P200,000 marked money mula kay Daniel Cariaga, isang empleyado ng BIR Cavite.
Ang imbestigasyon at pagkakadakip kay Alibio ay natuloy dahil sa nilagdaang DOJ-Ombudsman Anti-Corruption Initiatives memorandum agreement sa pagitan nina Secretary Leila de Lima at Ombudswoman Conchita Morales Carpio.
Nauna nang sinuspinde ni Carpio si Alibio ng 90 araw matapos siyang matimbrehan ng Office of the Provincial Prosecutor ng Cavite tungkol sa ginawang pag aaresto.
Kinasuhan ng Ombudsman ng kasong administratibo at kriminal si Alibio at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“There was enough evidence showing that Alibio demanded and received P200,000 from Cariaga so that an earlier complaint filed against the latter before the Ombudsman would not prosper. He was caught in flagrante delicto," sabi ni Velasco sa sulat sa Ombudsman.
Isang Mark Haddad, tauhan ng Sandiganbayan, ang naunang nagsampa ng kasong administratibo at kriminal kay Cariaga sa Ombudsman dahil sa umano'y panunutok nito ng baril sa kanya sa nangyaring komprontasyon sa loob ng isang subdivision sa Bacoor, Cavite noong Disyembre.
Noong Enero 22 natanggap ni Cariaga ang mga kopya ng affidavit-complaint laban sa kanya kung saan nakasaad ang: “Tawagan mo ako para hindi ito mafile at tsaka adm (sic) case. Hindi rin efile (sic) sa Ombudsman office kasi binigay sa akin ito kaso mo," kasama ang cellphone number na 09087408157.
Kaagad tinawagan ni Cariaga si Alibio at nakipagkita upang ibigay ang pera sa suspek.