MANILA, Philippines – Dalawa na ang kumpirmadong patay at dalawa pa ang nawawala dahil sa tropical depression na “Crising†habang patuloy ang paglapit nito sa katimugang bahagi ng Palawan ngayong Huwebes ng umaga.
Pinangalanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pinakahuling nasawi na si Erwin Campana, 43, ng Baranggay Camansi, Montevista sa Compostela Valley.
Nalunod si Campana matapos subukang tawirin ang ilog sa kanilang baranggay sa kasagsagan ng bagyo.
Noong Miyerkules naitala ng NDRRMC ang unang namatay na si Francisco Digaynon, na nalunod din nang tangkaing tawirin ang Taytayan River.
Kinilala ang mga nawawala na sina Percela Apolinario, 63, ng baranggay Magugba, Libacao sa probiinsya ng Aklan at Suden Abdullah ng baranggay Pinol, Maitum sa Sarangani province.
Natangay ng malakas na agos ng tubig si Apolinario habang tumatawid sa ilog, habang nilamon ng malaking alon ang sinasakyang bangka ni Abdullah habang pauwi mula sa pangingisda.
Ayon sa NDRRMC, umabot na sa 25,350 pamilya o 120,269 na katao ang naapektuhan ng bagyo. Nasa 864 pamilya pa o 3,950 katao ang nananatili sa mga evacuation centers.
Umabot na sa 87 bahay ang nasira ng bagyo dahil sa mga pagbaha sanhi ng dala nitong malakas na mga pag-ulan.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 480 kilometro ng hilaga-kanluran ng lungsod ng Zamboanga ang mata ng bagyo nitong 6 ng umaga.
Gumagalaw si Crising patungong kanluran hilaga-kanluran at malapit sa katimugang Palawan na nananatiling nakapailalim sa public storm warning signal number 1.
Naka full alert na ang mga disaster response units sa katimugang bahagi ng Palawan.
Sinabi ng PAGASA na maaring magdala ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ang bagyo sa mga apektadong lugar sa Palawan.