MANILA, Philippines – Hindi pa maitutuloy ang paghahanap sa anim na katawan ng mga minerong nabaon sa Semirara Island dahil sa sama ng panahon, ayon sa Philippine National Police ngayong Lunes.
Sinabi ni PNP Western Visayas regional director, Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr. naantala ang retrieval operations sa mga nalibing na minero sa Panian pit Caluya, Semirara dahil sa dalawang landslides.
"Retrieval operation for the meantime is temporarily suspended due to rainy weather," sabi ni Cruz.
Noong nakaraang lingo, nagkaroon ng landslide dahil sa matinding buhos ng ulan kaya nalibing ng buhay ang mga minero.
Tatlo ang nailigtas habang 10 pa ang natabunan ng lupa.
Samantala, ayon sa isang ulat sa TV pinalawig ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang pinansyal na tulong sa mga biktima ng landslide at sa mga kamag-anak nila.
Nagbigay ng P5,000 ang DSWD sa mga nailigtas na minero at P10,000 sa mga kamag-anak ng mga namatay na minero.
Isinailalim sa critical incident stress debriefing ang mga kamag-anak ng mga namatay na minero, gayun din ang mga nakaligtas, dagdag ng ulat.