MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang inaresto ng mga pulis kasunod ng pamamaril at pagnanakaw sa dekano ng isang law school sa Ilocos Norte nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Superintendent Jeffrey Gorospe, tagapagsalita ng Ilocos Norte police office, ang nadakip na sina Jomar Quezada, 24 at Reynaldo Pagatpatan, 32, kapwa miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit.
Naareseto ang dalawa sa isang checkpoint na minamanduhan ng mga pulis sa bayan ng Pinili.
Nasamsam sa dalawa ang bag na pinaghihinalaang inagaw mula kay Atty. Ramon Leano, dekano ng College of Law sa Mariano Marcos State University.
Nabawi rin sa dalawang supsek ang isang shotgun, .45 pistola, isang motorsiklo at cellphone.
Katatapos lamang magklase ni Leano sa MMSU sa Barangay Quiling Sur sa Batac at pasakay na ng kanyang kotse bandang 6:50 ng gabi nang paputukan ng hindi kilalang mga lalaki.
Kritikal ang lagay ni Leano nang dalhin sa ospital.