MANILA, Philippines – Umaasa ang isang pari na ang susunod na magiging Santo Papa ay bata at marunong makisabay sa makabagong panahon.
Sinabi ni Father Antonio Pascual, pangulo ng Catholic-run Radyo Veritas, na bukod sa pagkakaroon ng makabaong pag-iisip ay panahon na rin upang kumuha ng Santo Papa sa labas ng Europa.
"Wala pang Santo Papa na galing sa labas ng Europa. Sana ang mapili ay non-European at bata. Sa bagong panahon, mahalaga na ang susunod na Papa ay galing sa majority of Catholic faith and that's not from Europe," sabi ni Pascual.
Sinabi pa ng pari na magandang kandidato si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
"He (Tagle) is a very good candidate, that's why we have to pray that the Holy Spirit moves so they pick a Pope who would be able to travel all over the world," ani Pascual.
Pero sinabi rin ni Pascual na ang mga iba pang pagpipilian na mula sa loob at labas ng Europa ay may kakayahan ding pangunahan ang Simbahan kahit sa mga pagsubok ng "secularism, materialism and relativism."
Samantala, sinabi ni Pascual na walang dapat ikabahala kaugnay sa kumakalat na balita na ang susunod na Santo Papa ay siya ring magiging bagong anti-Christ at magdadala ng gulo sa mundo, base sa umano'y propesiya ni St. Malachy.
Iginiit ni Pascual na ang natagpuang kopya na umano'y propesiya ni St. Malachy ay pineke, na siya ring posisyon ng simbahan.
"The official position of the church is that those prophecies were forged. Prophecies are mystical, full of myths and symbols and they should be interpreted by the church," pahayag ni Pascual.
Ipinaalaala din in Pascual sa mga tao na ang katapusan ng mundo ay hindi dapat katakutan dahil ayon sa bibliya, ito ang pangalawang pagdating ni Hesukristo sa lupa.
"Nobody knows the end time, only the Father [in heaven] knows. What's important is that we have to be prepared and faith in the Lord is paramount," sabi ng Pari.
Inihayag ni Pope Benedict XVI na iiwanan na niya ang kanyang puwesto sa Pebrero 28. Itinakda naman ang eleksyon ng mga kardinal para sa susunod na Santo Papa sa buwan ng Marso.