MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng field trips para sa mga estudyante bunsod ng mga apela na ipagbawal na ang mga group learning excursions.
Sinabi ni Tonisito Umali, tagapagsalita ng DepEd, ang field trip ay nananatiling mahalaga para sa mga mag-aaral upang matuto sa labas ng silid-aralan.
Naglabasan ang mga apela matapos mamatay ang isang estudyante sa isang aksidente habang nasa fieldtrip ito noong Pebrero 8.
Dagdag ni umali na ang pag punta sa mga moseo at mga makasaysayang lugar ay nagbibigay ng mas kumpletong karanasan sa mga mag-aaral kumpara sa mga naririnig lamang nila sa klase.
Pero titignan din ng kagawaran ang posibilidad na ipagbawal sa mga paaralan na pumunta sa mga malalayo at delikadong lugar, sabi ni Umali.
Nahaharap sa kasong negligence leading to homicide and serious physical injuries ang bus driver na si Carlos Villanueva.
Naka-garahe ang minamanehong bus ni Villanueva sa pababang parte ng kalsada at aksidenteng umandar ito at nabundol ang 14-anyos na estudyante na ikinamatay nito.
Dahil dito ay nanawagan ang ama ng biktima na si Rio Bianca Ramirez ng Holy Spirit Academy of Malolos, sa DepEd na ipagbawal na ang mga field trips.