MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kaso ng mga pulis ngayong Huwebes ang dalawang lalaking pinagbibintangang pumatay kay Vice-Mayor Policronio Dulay ng Kabacan, North Cotabato.
Palabas ng department store si Dulay, na tatakbo sanang muli sa ilalim ng Liberal Party, nang barilin siya ng isa sa dalawang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo gamit ang .45 baril. Dead-on-the-spot si Dulay.
Naaresto ang triggerman na si Jomar Utala, 26, na hinihinalang tulak din ng droga, noong nakaraang linggo sa isang operasyon sa Kabacan. Inamin ni Utala na binayaran siya upang patayin si Dulay.
Inginuso rin niya ang kangyang kasamang si Batong Magalib.
Sinabi ni Senior Inspector Rodel Calo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa North Cotabato, na sinampahan na nila ng kasong murder sina Utala at Mugalib na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.