MANILA, Philippines – Nasabat ng mga operatiba ng Fertilizers and Pesticides Authority (FPA) ang halos 100 litro ng hindi rehistradong farm chemicals mula sa mga mangangalakal nito sa North Cotabato.
Sinabi ni Aletha Bornea, provincial coordinator ng FPA sa North Cotabato, na nakuha nila ang mga fertilizer, pesticides, flower at fruit inducers na may mga makukulay na tatak ngunit hindi aprubado upang ibenta ng gobyerno.
Ang mga “hot merchandise†kung tawagin nila ay nakumpiska mula sa mga agricultural stores sa mga bayan ng Libungan, Midsayap, Pikit, at Matalam sa North Cotabato.
Dalawang magsasaka na sina Alberto Liboo at Romeo Casonete ang naunang nagreklamo sa municipal agricultural officer ng bayan ng Pikit matapos silang bigyan ng 65 bag na mga substandard na binhi ng mais ng isang lokal na mangangalakal.
Nasa kustodiya na ng FPA ang mga binhi ng mais upang gamiting ebidensya laban sa supplier na hindi pinangalanan hanggang matapos ang imbestigasyon ng ahensya.
Ayon pa kay Bornea, maaring makipagtulungan sa kanila ang iba pang magsasaka na napagbentahan ng mga substandard na fertilizer at farm chemicals upang mas mapadaling makasuhan ang mga mangangalakal.