Bata patay sa meningococcemia

Bata patay sa Meningococcemia

MANILA, Philippines – Isang apat-taong-gulang na bata ang namatay dahil sa meningococcemia sa lungsod ng Marikina, Lunes ng gabi.

Sa isang ulat ng ABS-CBN News, idineklarang patay ng mga doktor ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang batang biktima bandang alas-10 ng gabi.

Ayon sa pediatrician na si Dr. Paraluman Mendoza Manuel, apat na araw nang tinatrangkaso ang bata bago dinala sa ospital noong Lunes ng hapon.

Habang nasa ospital, ilang beses nag-seizure ang bata na tumatagal ng tatlo hanggang limang minuto.

Sa isang panayam ng dzMM, sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na hindi dapat maalarma ang publiko dahil sa bagong biktima ng meningococcemia.

"Unang-una po ang meningococcemia ay hindi po madaling makahawa. Kailangan nating ipaliwanag ito baka mamaya e magkaroon ng panic," sabi ni Tayag.

"Yung nagkakasakit po niyan talagang hindi na makakalabas ng bahay. Down na down ho talaga, so mahirap talagang maipasa 'yan kaya paisa-isa lang ang nare-report natin niyan," dagdag ng undersecretary.

Show comments