MANILA, Philippines - Umabot na sa 60 katao ang inaresto dahil sa umano’y paglabag sa ordinansa ng lungsod ng Caloocan na nagbabawal mag-inuman sa kalsada.
Ayon kay Caloocan City police chief Senior Superintendent Rimas Calixto lumabag sa ordinance no. 0937 series of 2005 ang mga nahuli. Ang mga arestadong residente ay naaktuhan na nakikipag-inuman sa kalsada sa mga operasyong isinagawa mula Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Sinampahan na ng mga karampatang kaso ang mga naaresto sa piskalya at kinakailangan din silang magbayad ng multa o makulong depende sa desisyon ng korte.
Ikinatuwa ni Mayor Recom Echiverri ang matagumpay na pagpapatupad ng pulisya ng naturang ordinansa na ang pangunahing layon ay mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Base sa ordinansa, pinapayagan lamang ang inuman sa kalsada tuwing may espesyal na okasyon gaya ng kaarawan, binyagan, kasalan, anibersaryo ng kasal, Pasko, Bagong Taon, ngunit kailangan muna nilang humingi ng permiso sa baranggay.
Kasama rin sa ordinansa ang pagbabawal na pagbentahan ng alak ang mga menor de edad.
“Dahil sa pagpapatupad natin ng ordinansang ito ay nabawasan ang mga nagaganap na away sa mga lansangan at humihingi din ako ng pabor sa ating mga kababayan na sumunod sa batas na ito upang hindi sila magkaroon ng kaso," sabi ni Echiverri.