MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hanapin ang mga magulang ng mga batang nakuhanan ng video habang nag-iinuman.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nagpakalat na ng mga tauhan si DSWD Secretary Dinky Soliman upang hanapin ang magulang ng mga bata.
Nitong Miyerkules, isang video ang ini-upload sa YouTube na nagpapakita ng isang grupo ng mga bata, na may tinatayang edad na hindi tataas sa 12-anyos, na nag-iinuman.
Marami ang nagsasabi na mukhang isa sa mga magulang ng mga bata ang nagkukuha ng video.
Kapag natukoy na kung sino ang mga magulang ng mga bata, aalamin ng DSWD kung may kakayahan sila na palakihin ng maayos ang kanilang mga anak.
Mariin namang kinondena ng National Youth Commission (NYC) ang naturang video at sinabing malinaw na lumabag ang mga magulang sa Anti-Child Abuse Act dahil sa pagpayag na mag-inuman ng mga bata.
"Culpability or penalties should be meted out not only to store owners and sellers but also to parents, guardians and supervising adults during the incident," pahayag ng tagapangulo ng NYC na si Leon Flores.
Nanawagan din si Flores sa mas mahigpit na batas upang ipagbawal ang pag-iinuman ng mga menor de edad.