MANILA, Philippines – Sinigurado ni boxing icon Manny Pacquiao ang kanyang patuloy na pagsuporta sa Buhay Kamao Foundation (BKF), isang non-profit organization na tumutulong sa mga sumisibol at dating boksingero.
Sinabi ito ni Pacquiao, ang honorary chairman ng naturang foundation, sa presidente ng BKF na si Yolanda Alfante sa kanilang pulong sa House of Representatives sa Quezon City.
Muling tiniyak ni Pacquiao kay Alfante ang kanyang suporta sa foundation nang manood siya sa taping ng TV show ng kongresista noong Martes.
Sabi ni Alfante tutulong si Pacquiao na makakuha ng mga donasyon at sponsorship para sa iba’t ibang programa ng BKF, kabilang ang boxing programs na tutulong sa mga batang boksingero upang maging mga world champion.
Isang boxing gym na ang itinatayo ng grupo sa La Union upang mabigyan ng maayos na lugar na pag-eensayuhan ang mga boksingero. Balak ding maglagay ng BKF ng opisina sa ikalawang palapag ng Makati Square na nagdadaos ng buwanang laban.
"We will also promote a boxing card at the Makati Square soon," ani Alfante.
Ang dating US Olympic boxing trainer na si Terry “Bubba†Stott, na nakapaghubog na ng mga world champions, ay tumutulong na sa pag-eensayo ng mga boksingero sa Makati Square dahil sa imbitasyon ng American lawyer na si Sydney Hall na nagdala ng maraming Pinoy na boksingero sa US kabilang si Pacquaio.