Mag-utol na tulak, tiklo sa Cotabato

 

MANILA, Philippines – Isang hinihinalang kilabot na tulak ng droga at kanyang kapatid ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang operasyon sa North Cotabato noong Martes.

Kinilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang magkapatid na sina Louie Banilla, 25-anyos na lider ng Banilla Drug Group at kapatid niyang si Lonel, 27.

Arestado ang magkapatid ng mga tauhan ng PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos maaktuhang nagbebenta ng shabu sa isang undercover na ahente ng PDEA sa Barangay Buluan sa bayan ng Pigcawayan.

Nakuha sa mga suspek ang 13 pakete ng shabu na may bigat na dalawang gramo at mga drug paraphernalia.

Naniniwala si Cacdac na hihina ang bentahan ng shabu sa bayan ng Pigcawayan dahil sa pagkakatiklo ni Louie. Aniya, ang Banilla drug group ang nasa likod ng malaking bentahan ng droga sa Pigcawayan at mga karatig na bayan.

Show comments