MANILA, Philippines – Tiklo ang dalawang lokal na opisyal sa probinsya ng Pangasinan dahil sa pag-aari ng mga hindi lisensyadong baril.
Nadiskubre ang mga armas mula sa dalawang lokal na opisyal sa isinagawang operasyon ng pulisya noong Lunes.
Inaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operations Task Group ng Police Regional Office 3 ang konsehal ng bayan ng Natividad na si Lito Rimorin at baranggay kagawad Rodolfo Bilog sa magkahiwalay na pagsalakay sa kanilang bahay sa Baranggay Canarem at Baranggay San Eugenio.
Nabawi mula sa bahay ni Rimorin ang isang Armscor 38 caliber revolver, mga bala para sa carbine at shotgun at dalawang live ammunition ng .38 revolver.
Nasamsam naman sa bahay ni Bilog ang isang Colt Defender .45 caliber pistol, tatlong magzine ng .45 pistola, isang long magazine ng M16 rifle at mga bala ng .45 pistola.
Inihahanda na ang mga kasong illegal possession of firearms laban sa mga suspek.
Ang pagsalakay ay isinagawa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa hindi lisensyadong baril kaugnay na rin ng pagpapatupad ng election gun ban.