MANILA, Philippines – Dumalo na sa kanyang kauna-unahang pulong ang bagong talagang hepe ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Ipinaliwanag ni outgoing NDRRMC chief Benito Ramos ang tungkulin ng papalit sa kanya na si retired Maj. Gen. Eduardo del Rosario.
Dating commanding general ng 2nd Infantry Division si Del Rosario bago irekomenda ni Defense Secretary Voltaire Gazmin bilang kapalit ni Ramos.
Si Del Rosario ang tagapangulo ng Task Force Kalihim na nanguna sa search and rescue operations para sa namayapang kalihim ng Department of Interior and Local Government Jesse Robredo sa nangyaring plane crush sa Masbate noong nakalipas na taon.
Binitawan ni Ramos ang pwesto upang alagaan ang kanyang asawang may sakit na diabetes. Magiging epektibo ang kanyang pagbibitiw sa Pebrero 1.