MANILA, Philippines – Hinamon ng grupo ng mangingisda sa pangunguna ng Pamalakaya ang mga national at local na kandidato para sa halalan sa Mayo na unahin ang issue ng mga mangingisda sa 94,000 hektarya ng Laguna de Bay.
Ayon kay Pamalaya vice chairperson Salvador France, pito sa 10 mangingisda sa Laguna de Bay ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa bumabang produksyon ng isda sanhi ng privatization at conversion projects sa Laguna Lake sa ilalim ng Public-Private Partnership.
Itinuturo din ni France ang pagbaba ng produksyon ng isda dahil sa mga alien species tulad ng janitor fish at knife fish gayun din ang pagkasira ng lake ecology dahil sa permanenteng pagkakasara ng Napindan Control Hydraulic Structure na pumipigil sa tubig ng Manila bay patungong Laguna Lake na dumaraan sa Pasig River.
"Those running for senators, district congressmen, governors and other local elective posts who are directly link with Laguna Lake should consider that nearly two million families," pahayag ni France.
Dagdag pa sa problema ng mga mangingisda ang plano ng national government na sirain ang 82,040 fishing households upang bigyang daan ang paggawa ng 100-kilometrong road dike sa palibot ng Laguna de Bay.
Base sa proyekto ng Laguna Lake Development Authority na Laguna de Bay Basin Project 2020, sinabi ng grupo na 6,800 kabahayan ang maapektuhan sa baranggay Malaban, Biñan, Laguna; 4,800 naman sa baranggay Sinalhan, Sta.Rosa, Laguna; 60,000 sa barangay San Juan na kilala sa tawag na Lupang Arenda sa Taytay Rizal; at 10,440 iba pang pamilya na binubuo ng nga informal settlers sa baybayin ng Laguna Lake. – Dennis Carcamo