Caregiver tiklo dahil sa 'tsongki'
MANILA, Philippines – Arestado ang isang part-time caregiver sa daungan sa lungsod ng Dapitan nang mahulihan siya ng marijuana, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Biyernes.
Ayon kay PDEA director general Arturo Cacdac Jr., nahuli ng mga tauhan ng anti-narcotics si Bonn Brylle Lim, 23, ng Sorronda Road, Turno, Dipolog City.
Dagdag ni Cacdac na napagalamanan na nag-a-apply ng US residency si Lim dahil sa nakitang identification card.
Nabawi kay Lim ang marijuana nang dumaan ito sa karaniwang inspeksyon ng bagahe ng mga pasahero sa daungan ng Pulaoan, San Vicente, Dapitan City.
Dalawang stick ng marijuana ang nakuha kay Lim at 10.3573 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa zip-lock na lalagyan noong Enero 3.
Samantala, tiklo si Carlos Diaz, 44, na kabilang sa watch-listed drug personality noong Enero 6.
Nasabat kay Diaz ang 40.647 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, sabi ng PDEA.
Nahaharap si Lim at Diaz sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – Dennis Carcamo
- Latest
- Trending