MANILA, Philippines – Hihilingin ng mga transport groups, kabilang ang grupong Piston, sa Korte Suprema ang pagpapatigil ng pagpapatupad sa utos ng gobyerno na i-phaseout sa mga lagpas 13-taong yunit ng UV express.
Sinabi ni Piston national president George San Mateo na maghahayin ang grupo ng petisyon sa mataas na hukuman sa Enero 10 upang hilinging ipatigil ang patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na "UV Express Year Model Phase-Out."
Samantala, magsasagawa ng protesta ang mga transport groups sa Huwebes upang manawagan sa gobyerno na ibasura ang UV express year model phase out policy na magsisimula ngayong taon.
Aniya, magma-martsa ang mga transports groups mula Quezon City circle patungong Don Chino Roces bridge (dating Mendiola) sa Maynila upang hilingin din kay Pangulong Benigno Aquino III na tignan din ang overpricing ng presyo ng langis.
Dagdag ni San Mateo na mananawagan pa sila sa Pangulo upang ipatupad ang desisyon ng Baguio City Regional Trial Court sa pagharang sa kautusan ng Department of Transportation and Communications sa mataas na multa sa bawat paglabag sa batas trapiko.
Nagbabala din si San Mateo na maglulunsad sila ng tigil pasada kung hindi papayag ang gobyerno na ipatigil ang pagpapatupad ng UV Express Year Model Phase-Out na patakaran.
"Walang isinagawang public hearing o public consultation ang LTFRB noong panahong binabalangkas nito ang 2007 at 2012 LTFRB Memo-Circular kaugnay sa 13 Years Model phase-Out sa UV Express. Ang totoo niyan ay Mekanikal lang na ipinatupad ng LTFRB sa hanay ng UV Express ang 13 Years Model Phase-Out na nauna nitong ipinatupad sa mga metered taxi," sabi ni San Mateo.