MANILA, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibigay ng ika-apat na estrelya sa ranggo ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Alan Purisima.
Ayon sa PNP, naglabas na ng ang PNP National Headquarters ng General Orders 2107 na nag-uutos na iakyat sa ranggong Director General si Purisima mula sa pagiging Deputy Director General.
Ang ranggong Director General ay four-star rank at ang pinakamataas sa buong kapulisan. Katumbas nito ang ranggong General sa Armed Forces of the Philippines na hinahawakan lamang ng mga opisyal na nailuluklok bilang chief of staff.
Umupo bilang pang-18 hepe ng 148,000 na pulis noong Disyembre 18 si Purisima matapos magretiro si Director General Nicanor Bartolome.
Sinabi ng PNP officer corps na ibinigay kay Purisima ang pinakamataas na ranggo “to allow Purisima to exercise his full authority and command as Chief PNP." Dennis Carcamo