5 suspek na tulak sa Maynila tiklo sa PDEA

MANILA, Philippines – Arestado ang limang miyembro ng kilabot na drug group sa magkakasunod na raid sa Maynila matapos ang pitong-buwang operasyon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Huwebes.

Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na naaresto ang mga suspek, na pawang miyembro ng Zulueta drug group, sa ginawang raid sa Sta. Cruz, Manila.

Ayon kay Cacdac, ang magkakasunod na pagkakaaresto ay nagsimula nang masakote nila sina Elizabeth Estimada, 39, at Jaime Jimenea, 51 sa isang raid na isinagawa nila sa Maynila sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte noong Mayo 25.

Nakumpiska sa mga suspek ang 17 pakete ng shabu na tumitimbang ng 14 gramo, mga drug paraphernalia at pera.

Noong Hunyo 13, isa pang miyembro ng drug group na si Ronaldo Ledesma, 30, ang nahuli sa kanyang bahay sa Tambunting street. Nakuha sa kanya ang isang pakete ng shabu at ilang piraso ng bala.
 
Nahuli rin ng mga awtoridad sa parehas na lugar sina Eduardo Obille, 37, at Rolando Zulueta, 30, noong Disyembre 19.

Nakuha din mula sa kanila ang 37 pakete ng shabu na may bigat na 11 gramo at ilan pang drug paraphernalia.

Pinaghahahanap pa rin si Procolo Bordas na wala sa lugar nang magkahulihan.

“Obille was the prime target since day one of the operation. He had eluded arrest during the two previous operations. The long arm of the law finally caught up with him the third time,” sabi ni Cacdac. - Dennis Carcamo

Show comments