Arroyo sa VMMC magpapasko

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan ngayong Miyerkules ang hiling ng dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makapagpasko sa kanyang bahay sa Pampanga.

Sinabi ni Renato Bocar, tagapagsalita ng korte ng anti-graft, hindi pinayagan ng First Division ng Sandiganbayan si Arroyo na mamalagi ngayong panahon ng kapaskuhan sa Lubao, Pampanga dahil baka isipin ng mga mamamayan na pinapaboran ang dating Chief Executive.

"Kapag pinagbigyan ay maaaring ma-misinterpret na pagkiling...or favor sa dating Pangulo na hindi dapat na gagawin ng anumang ahensya ng gobyerno lalo na ang ating mga hukuman," sabi ni Bocar.

Aniya, kaya hindi rin pinayagan ng Sandiganbayan si Arroyo ay dahil kukotra ito sa nauna na nitong kautusan na hospital arrest para sa dating pangulo.

Nananatiling nasa presidential suite ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City ang dating pangulo.

"Kapag pinayagan na magbakasyon sa Lubao,Pampanga, ito ay magiging pagkontra sa dahilan na kaya siya pinayagan na manatili sa VMMC," sabi ni Bocar.

Bukod kay Arroyo, hindi rin pinayagan ng Sandiganbayan ang mga kaparehong mosyon ng kanyang kasama sa kasong pandarambong dahil sa maling paggamit ng P300 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Kabilang dito sina PCSO chairman Manoling Morato, dating PCSO board chairman Sergio Valencia at dating assistant general manager for finance na si Benigno Aguas. Dennis Carcamo

Show comments